Positibong kinilala ng mga kaanak ang bangkay ng isang lalaking isinilid sa drum at binuhusan ng semento sa Mabitac, Laguna.
Ang biktima ay nakilalang ang magsasakang si Romeo Torres na taga-Norzagaray, Bulacan, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Nang makita ng mga kaanak ang ulat ng Unang Balita noong Biyernes tungkol sa bangkay na nakita sa isang drum sa Mabitac, nakipag-ugnayan sila sa pulisya.
Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng suot nitong damit at bota.
Ayon sa mga kaanak, nagpaalam ang biktima noong Pebrero 3 na pupunta sa taniman ng saging upang mamitas ng prutas na maibebenta. Hindi na siya nakauwi.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng autopsy na isinagawa sa bangkay.
May mga tama ng baril ang biktima at nakagapos ang mga kamay nito.
Wala pang impormasyon ang pulisya kung sino ang posibleng may gawa nito.
Naiuwi na sa Bulacan ang mga labi ng biktima para mailibing. —KG, GMA News