Arestado ang isang negosyante sa Pampanga matapos umanong magtangkang manuhol kapalit ng paglaya ng isang French national na may kasong may kaugnayan sa droga, ayon sa eksklusibong ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Martes.
Nahuli ang suspek na si Aaron Christian Bolus sa pamamagitan ng isang entrapment operation sa tanggapan ng investigation office ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group sa Angeles City.
Nakuha kay Bolus ang bag na may lamang P1.5 milyon na ipangsusuhol daw sana kapalit ng kalayaan ng isang French national na may illegal drug case daw sa France.
Ayon kay Police Major Leopoldo Cajipe, hepe ng CIDG-Pampanga, nagpakilala si Bolus bilang kaibigan ng French national.
Inaresto rin si Joseph Julius Gonzales na kasama ng negosyante. Tumanggi silang magbigay ng pahayag. —KBK, GMA News