Patay ang isang lalaki, habang kritikal ang kaniyang kapatid matapos silang pagsasaksakin ng kanilang mga pamangkin dahil umano sa away sa videoke sa Calasiao, Pangasinan.
Ayon sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing may ipinagdidiriwang na kaarawan ang magkakamag-anak nang mangyari ang trahediya sa Barangay Ambuetel.
Nasawi dahil sa hindi bababa sa 10 saksak si Adonis Paragas, 42-anyos, at kritikal naman ang kaniyang mas nakatatandang kapatid.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi Police Lieutenant Ramis Castro, duty officer, Calasiao police station, na nalaman ng mga biktima na may sumira sa wire ng mic na ginagamit sa videoke kaya nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkakaanak na nauwi sa pananaksak.
Nalaman din ng pulisya na dati nang may iringan ang mga magkakaanak.
Nanawagan ang pamilya ng mga biktima na mabigyan ng hustisya ang magkapatid kahit pa kamag-anak nila ang mga salarin.
Nahuli na ang dalawang suspek at patuloy na pinaghahanap ang dalawa pa.
Sinubukan ng GMA News na makuha ang panig ng dalawang naaresto pero hindi pumayag ang pulisya dahil sa pinaiiral na health and safety protocol.--FRJ, GMA News