Kalunos-lunos ang sinapit ng isang anim na taong gulang na babae na natagpuang patay, nakabaon sa putik at isang paa na lang ang nakalitaw sa Valencia City, Bukidnon.
Sa ulat ni Cyril Chavez sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Biyernes, sinabing kinilala ng ina ang biktima na si Maelove Sayta.
Ang mga residente raw sa lugar na malapit sa tubuhan sa Barangay Bagontaas ang unang nakakita sa nakalitaw na paa ng bata nang hanapin nila ang pinagmumulan ng masangsang na amoy.
Ayon kay Police Leiutenant Colonel Cipriano Bazar, Jr., hepe ng Valencia City Police Station, nakilala ng ina ang biktima dahil sa kasuotan nito na siya raw mismo ang bumili.
Huli raw nakitang buhay ang biktima na nagbibisikleta at hindi na nakauwi sa kanilang bahay mula noong gabi ng Enero 24.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung pinaslang ang bata at ginahasa dahil may nakita mga galos sa kaniyang leeg na posibleng indikasyon ng pagsakal.
Idinagdag ng pulisya na mayroon silang person of interest pero hindi muna nila pinangalanan habang patuloy pa ang imbestigasyon.--Bernadette Parco/FRJ, GMA News