Isa ang patay at dalawa ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa daan sa Quezon province nitong Sabado ng madaling-araw.

Dead on the spot ang isang motorcycle rider nang salpukin ito ng isang sasakyan sa Quirino Highway sakop ng Barangay San Francisco, Tagkawayan, Quezon dakong alas-tres ng madaling-araw. Tumakas umano ang driver matapos ang insidente.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung saan patungo at kung saan nanggaling ang rider, na tumilapon pa sa gilid ng highway.

Matindi ang pinsalang tinamo nito sa ulo at sa katawan na kanyang ikinamatay.

Dinala ang katawan ng rider sa isang punerarya sa bayan ng Tagkawayan habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis. Hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaking rider.

Samantla, dalawa naman ang sugatan sa salpukan ng isang Hyundai Accent at isang Toyota Avanza sa Maharlika Highway, Barangay Gibanga, Sariaya, Quezon pasado alas-kwatro magaling-araw.

Photos courtesy of MDRRMO Sariaya
Photos courtesy of MDRRMO Sariaya

Base sa report ng MDRRMO Sariaya, patungo sa Maynila ang isang sasakyan habang patungo naman sa direksyon ng Bicol ang isa pa ng mangyari ang salpukan.

Mabilis umano ang takbo ng dalawang sasakyan kung kaya’t matindi ang pinsalang tinamo ng mga ito.

Mabilis na nakaresponde ang mga tauhan ng MDRRMO Sariaya upang mailigtas ang mga sakay mga kotse. Dalawa sa mga lulan ng dalawang sasakyan ang sugatan at agad na naisugod sa pagamutan.

Inaalam pa ngayon ng Sariaya Municipal Police Station ang sanhi ng aksidente. Accident prone daw talaga ang lugar na pinangyarihan ng salpukan. —LBG, GMA News