KALIBO, Aklan- Alay daw sa mga medical frontliners at pagbibigay pag-asa sa mga residente ang simbulo ng itinayong Christmas tree sa Capitol Grounds sa Kalibo ng lalawigan ng Aklan.

Sa pamamagitan ng countdown nitong Linggo, pinailawan ang nasabing Christmas tree na gawa sa mga debris ng mga nagdaang bagyo sa lalawigan.

Nagsisilbi ring pag-asa sa mga residente ng Kalibo, Aklan at Manoc-Manoc sa Boracay ang simple ngunit makukulay na Christmas displays.

Nitong Disyembre 12, umabot na sa 357 na mga kaso ng COVID 19 sa Aklan.

Labing-isa ang namatay, 59 ang active cases, habang ang iba ay naka-recover na.

GenSan

Samantala, pinailawan na rin ang Christmas tree sa General Santos City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Nagkaroon din ng fireworks display alay sa mga frontliners.

Bago ang pagpapailaw sa Christmas tree at fireworks display, nag-inspeksyon muna ang lokal na pamahalaan para matiyak na sumusunod sa health safety protocols ang mga tindahan.

Romblon

Sa Odiongan, Romblon naman ay pinailawan din ang Christmas tree, pero wala ng seremonyang ginanap.

Nagpakuha ng mga litrato ang mga residente sa harap ng Christmas tree. 

Mayroon ding light tunnel at human-sized marble sculpture na kinagiliwan ng mga tao. —KG, GMA News