Inilabas na ng pulisya ang kuha ng CCTV sa nangyaring pananambang at pagpatay sa isang pulis sa Imus, Cavite kamakailan. Kasama ng biktima ang kaniyang mag-ina sa sasakyan nang maganap ang krimen.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, makikita sa video ang isang pulang sasakyan na unang lumabas mula sa isang maliit na kalye at pumarada sa gilid ng intersection.

Maya-maya lang ay isa-isa nang lumabas ang mga sakay ng pulang sasakyan at pumuwesto sa kanto na tila may inaabangan.

Nang dumating ang sasakyan ng biktimang si Police Captain Ariel Ilagan, bigla na itong pinaputukan ng mga salarin na nag-aabang sa kanto.

Makikita rin sa video na ligtas na nakalabas ng sasakyan ang mag-ina ni Ilagan. 

Ayon sa ulat, tinatayang nasa apat hanggang lima ang salarin.

Kabilang naman sa inaalam ng pulisya ay kung may kinalaman sa trabaho ni Ilagan ang krimen.

Napag-alaman din na mayroong sinampahan na kaso ang mag-asawa kaugnay sa isang property.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. --FRJ, GMA News