Nahuli sa Maragondon, Cavite ang isang 65-anyos na lalaki na wanted sa kasong pagpatay sa Quezon City. Ang suspek, hindi nagsisisi sa nagawa niya sa biktima.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing wanted si Narciso Llañez dahil sa pagbaril at pagpatay niya sa isang nagngangalang Israel Madrid noong 2015.

"So 'yung mga possible area na puwede niyang pagtaguan napuntahan na namin, and then itong sa San Miguel, Maragondon, Cavite, nagbakasakali kami doon and then naispatan namin siya doon," ayon kay Police Captain Edwin Fugan ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Mapayapa namang sumama ang suspek sa mga awtoridad, at inamin niya ang ginawa niyang krimen.

Isinaad niya na alitan ang ugat ng pagkakabaril niya sa biktima.

"Nakaharang ang motor. Tapos nagmumura siya, ang sinasabi niya ''Yung tauhan mo...' May sinabi siyang... basta babanatan niya. Kako pagpasensiyahan mo na, baguhan lang 'yon.' Hinintay kong humingi siya ng pasensiya. Sa loob siguro ng five minutes ng tagal, panay pa ang pagtawag niya, hindi siya humingi ng pasensiya. Kasi kung humingi siya ng pasensiya balewala na 'yon," sabi ni Llañez.

Ngunit hindi raw niya pinagsisisihan ang kaniyang nagawa sa biktima.

"Alam mo kung bakit? Eh baka naman kami ang birahin noon eh, eh adik 'yon eh. Sa totoo lang," giit ni Llañez.

Ayon sa pulisya, magkakaroon naman ng pagkakataon si  Llañez na idipensa ang kaniyang sarili sa korte dahil mabubuksan na muli ang kaso.--Jamil Santos/FRJ, GMA News