Hindi pa man nakakabawi sa dinanas na pagbaha dulot ng bagyong "Ulysses," nakaranas muli ng panibagong dagok sa buhay ang isang pamilya sa Cabagan, Isabela matapos silang masunugan.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, laking panlulumo ng pamilya Zipagan dahil naging abo ang mga gamit na isinalba nila sa baha.
Inilagay nila sa ikalawang palabag ng kanilang bahay ang kanilang mga naisalbang gamit para hindi abutin ng baha pero natupok naman sa sunog nitong Lunes.
“Nabaha na nga kami, ito pa nangyari sa amin. Kaya kung may gustong tumulong sa amin, tulungan niyo naman po kami kasi wala po kaming naisalba,” pakiusap ni Iluminada Zipagan.
Ayon kay Zipagan, nagsimula ang sunog nang may batang maglaro ng lighter sa ikalawang palapag ng bahay.
Bagaman hindi nadamay sa sunog ang unang palapag ng bahay na dating binaha, mas pinili ng pamilya na sa veranda na muna sila manatili dahil hindi sila sigurado sa tibay ng bahay matapos ang sunog.
Nagpapasalamat naman si Zipagan sa kaniyang mga kapitbahay na tumutulong sa kanila.
“Pang-araw-araw po ‘yong kapitbahay dito, nagbibigay po sila. ‘Yong mga damit, binigay din nila lahat ‘yan,” saad niya.
Kabilang ang Isabela sa mga lalawigan na isinailalim sa state of calamity matapos ang hagupit ni "Ulysses" na nagdulot ng matinding pag-ulan.— FRJ, GMA News