Nagkaroon ng isang napakalaking uka sa isang barangay sa Malilipot, Albay matapos na gumuho ang lupa dahil sa paglambot nito dulot ng sunod-sunod na mga bagyo.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing makikita ang malaking uka mula sa himpapawid sa Barangay San Roque ng nasabing bayan.
Halos abutin na ng pagguho ang mga bahay, at hindi na rin madadaanan ang kalsada dahil naputol na ito.
Pinayuhan ang mga residente na huwag nang bumalik sa kani-kanilang mga tirahan dahil sa peligro sa lugar.
Samantala, nahaharap naman ngayon sa banta ng forest fire ang Catanduanes dahil sa matinding init.
Isa ang Catanduanes sa mga labis na naapektuhan ng bagyo, kung saan maraming puno ang nabuwal.
Maaari itong maging mitsa ng mga forest fire kaya nagpaalala ang Bureau of Fire Protection sa mga tao sa paanan ng bundok na iwasang magsiga o magsigarilyo.
Isinailalim na ang Camarines Norte sa state of calamity dahil sa Bagyong Ulysses
Lima ang naitalang nasawi sa nasabing lalawigan, habang 25 ang sugatan at apat ang nawawala.
Naitala rin ang mahigit P70 milyong pinsala sa agrikultura at mahigit P200 milyon sa imprastraktura.
Nasira ang mahigit 8,000 bahay.
Sinabi ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado na halos wala nang natira sa kanilang calamity fund dahil nagamit na ito para tugunan ang COVID-19 crisis.--Jamil Santos/FRJ, GMA News