Arestado ang isang lalaking Top 13 umano sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng Eastern Samar, matapos siyang mahulihan ng droga sa buy-bust operation. 

Ang pamilya ng suspek, umalma at sinabing itinanim lang ng PDEA ang droga sa kaniya.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikikita sa video na kuha noong Setyembre 18 ang pagkapkap ng isang ahente kay Anthony Klent Aserit sa buy-bust operation ng pinagsamang puwersa ng PDEA at Philippine National Police sa Barangay Mara-Mara, Sulat sa Eastern Samar.

May nakuhang isang sachet ng shabu umano ang ahente sa likod ng shorts ni Aserit. Gayunman, maririnig sa video ang pag-angal ng mga tao sa paligid.

Hindi nagpatinag ang ahente at itinuloy nito ang pagkapkap kay Aserit, hanggang sa makuha niya ang isa namang tila ID sa kanang bulsa ng suspek.

Patuloy naman sa pag-alma ang mga tao sa ginagawang pangangapkap ng ahente.

Maya-maya pa, nakuha naman ang isang pakete sa kaloob-loobang bulsa ni Aserit, pero dito na lumakas pa ang pag-alma ng mga tao sa paligid.

Napaluhod at napahagulgol naman ang suspek nang makuha sa kaniya ang umano'y shabu.

Ayon sa PDEA, mismong mga kasamahan ni Aserit ang nagturo sa kaniya.

Dagdag ng ahensiya, masusi nilang minanmanan ang suspek hanggang sa masakote nila ito sa aktwal na drug buy-bust operation kung saan nagpanggap na poseur-buyer ang pulis.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek pero nanindigan ang mga kamag-anak at kaibigan ni Aserit na itinanim lang ang droga.

Tumanggi rin ang punong barangay na pumirma sa Certificate of Inventory ng PDEA sa mga nakumpiska kay Aserit dahil hindi raw kaya ng konsensiya niya ang nangyari.

Pero si Director General Wilkins Villanueva, hepe ng PDEA, umalma sa mga alegasyong tanim-droga ang insidente.

"Pambihira naman. Kitang kita naman na wala namang hawak 'yung tao. Problema ba ng ahente na may makuha du'n sa bulsa ng na-buy bust niya? Masyado namang unfair sa PDEA na gagawing... Imagine, alam ng ahente na vini-videohan siya eh 'di ba?" ani Villanueva.

"Kung alam mong vini-videohan ka magma-magic ka pa ba? Napaka-common sense naman eh," sabi ni Villanueva.

Ayon pa sa PDEA chief, natural sa mga kamag-anak ng mga nahuhuli at kanilang kaanak ang umalma at magkunwaring walang kasalanan ito.

"That's the usual na reaction either ng pamilya, ng nahuli or nu'ng tao. Makikita mo after makuha doon sa tao, anong ginawa nu'ng tao? Lumuhod. Anong maa-ano mo du'n? Touch move siya eh. Nahulihan siya eh. Ang hindi pa natin alam baka nakabatak pa 'yung tao para magkaroon ng ganu'ng reaction," sabi ni Villanueva.

"Talagang hindi tayo mananalo sa particularly na barangay 'pag ganiyan parati 'yung ano, parang tayo pa ang may kasalanan 'pag hinuhuli 'yung adik o 'yung pusher,"

Sasampahan si Aserit ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 para sa pagbebenta at pagkakaroon ng ilegal na droga.

Sa kabila naman ng mga natanggap na pagpuna, mas pinalakas pa raw ng PDEA ang kanilang drug clearing program sa mga barangay at hindi sila titigil hanggang sa maaresto ang mga maliliit na pusher pati na rin ang mga high-value target.

Gayunman, mawawalan ito ng saysay kapag walang tulong mula sa lokal na pamahalaan. -- Jamil Santos/BAP, GMA News