Dalawang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad matapos akusahan ng panggahasa sa isang 19-anyos na babae na kanilang "chatmate" sa Candelaria, Quezon.

Ayon sa Candelaria Municipal Police Station, nagtungo sa kanilang himpilan ang biktima na kasama ang mga magulang para ireklamo ng panggagahasa ang dalawang suspek na parehong 18-anyos.

Kuwento ng ama ng biktima, dumating sila ng kaniyang asawa mula sa Maynila dakong 10 pm nitong Huwebes na wala sa bahay ang kanilang anak na biktima.

Pagsapit ng 2:00 am nitong Biyernes, nagising sila sa iyak ng kanilang anak at isinumbong ang nangyari sa kaniya sa kamay ng dalawang suspek.

Kaagad na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang pamilya na dahilan para maaresto kaagad ang dalawang suspek.

Lumitaw sa imbestigasyon na nakilala ng biktima sa pamamagitan ng social media ang isa sa mga suspek at kaniyang naging ka-chat.

Nagtiwala naman ang dalaga at pumayag na makipagkita sa suspek nang imbitahan na sumama sa party at doon na umano naganap ang panghahalay.

Sasampahan ng kasong rape ang dalawa, na tumangging magbigay ng pahayag.

Pinayuhan naman ni Police Lieutenant Colonel Arnulfo Selencio, hepe ng  Candelaria police, ang publiko na huwag basta magtitiwala sa mga nakikilala sa social media kahit pa kababayan.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na ituloy ang kaso laban sa mga suspek.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News