Nauwi sa malagim na krimen ang inuman ng isang lalaki at isang magkapatid sa Pangasinan nang mapag-usapan ang utang na P200 ng una na hindi pa raw nababayaran.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Angelito Villanueva, 38-anyos, ng Barangay Sta. Lucia sa Urdaneta, Pangasinan.
Nagtamo ng mga saksak sa katawan at binagsakan pa ng bato ang biktima.
Nakita sa lugar ng krimen ang isang putol na patalim at tipak ng bato.
Hindi naman pinangalanan ang magkapatid na suspek na patuloy na pinaghahanap ng mga pulis.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nag-iinuman ang tatlo pero nagkaroon ng mainit na pagtatalo nang mapag-usapan ang P200 na utang umano ng biktima sa isa sa mga suspek.
"Matagal nang naniningil itong suspek natin sa victim. Hanggang sa dumating sa punto na sila'y mag-inuman hanggang sa maglabasan ng sama ng loob," ayon kay Police Major Allan Dauz, Deputy Chief ng Urdaneta City Police Station.
Hustisya naman ang sigaw ng kaanak ng biktima, at hinikayat ang mga suspek na sumuko na para panagutan ang ginawang krimen. --FRJ, GMA News