Nasawi ang isang 40-anyos na ama sa San Carlos City, Pangasinan nang makuryente siya habang isinasaksak ang kordon para magkailaw. Ang biktima, bagong paligo umano nang mangyari ang insidente.
Ayon sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Icoy Olito, may-asawa at dalawang batang anak, ng Barangay Caoayan.
Kuwento ng misis ng biktima, katatapos lang maligo ang kaniyang mister at isasaksak sana ang kordon para sa kanilang ilaw pero nahawakan niya ang nabalatang bahagi ng kordon kaya siya nakuryente.
Kaagad daw nangisay at bumagsak ang biktima matapos makuryente.
Isinugod siya sa ospital pero hindi na nailigtas ang kaniyang buhay.
Humihingi naman ng tulong ang misis ni Olito upang maipalibing ang kaniyang namayapang mister.
Paalala naman sa publiko ni Police major Virgilio Cruz, Deputy Chief ng San Carlos city Police, "Siguraduhin po natin na yung lugar walang tubig, hindi siya basa. O kaya tayo hindi basa, yung kamay natin, katawan natin para hindi tayo makuryente."
READ: Lalaking magsasaksak ng bentilador, patay nang makuryente sa nabalatang extension wire
Noong nakaraang buwan, isang ama naman sa Alaminos, Pangasinan ang nakuryente at nasawi nang mahawakan niya ang nabalatang bahagi ng extension wire habang isasaksak ang bentilador para mahanginan ang anak na may kapansanan.--FRJ, GMA news