Umakyat na sa 89 ang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Camarines Norte, at isang pari ang kabilang sa mga ito.
Tatlo ang bagong kaso ng COVID-19 na naitala at kasama rito ang pari mula sa bayan ng Daet.
Sumailalim sa RT-PCR swab test noong Oktubre 15 ang pari nang magkaroon ito ng mga sintomas tulad ng ubo, sipon, pananakit ng ulo at katawan, at pagkawala ng panlasa.
Naka-confine ngayon ang pari sa Bicol Medical Center.
Wala raw travel history ang pari kung kaya’t 'di pa matukoy kung paano ito nahawa.
Ayon sa tala ng Provincial Government ng Camarines Norte, 56 na ang gumaling sa mga tinamaan ng COVID-19 sa kanilang lalawigan, at 29 naman ang aktibong kaso sa kasalukuyan.
Mahigpit pa ring ipinatutupad ang health protocols sa lalawigan ng Camarines Norte lalo na sa dalawang entry point ng probinsiya. —KG, GMA News