Labing-apat na dolphin ang nakitang patay sa mga bakawan sa San Andres, Catanduanes.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabi ng mga residente na siyam na dolphin ang una nilang nakita sa bakawan noong nitong Huwebes ng umaga, at kinalaunan at nasundan ng limang iba pa.
Inalis sa bakawan ang mga dolphin at dinala sa dalampasigan para ilibing.
Bago ang insidente, sinabi ng lokal na pamahalaan na unang namataan ang nasa 70 dolphin na malapit sa baybayin noong Oktubre 7 at itinaboy ang mga ito papunta sa malalim na bahagi ng dagat.
Kinabukasan, nakita na ang mga patay na dolphin sa bakawan.
Hinala ng isang biodiversity group, posibleng na-stress ang mga dolphin sa nangyaring pagdumog sa kanila ng mga tao.
Inihayag naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol region, na posibleng may kinalaman ang dynamite fishing kaya napadpad sa lugar ang mga dolphin. --FRJ, GMA News