Patay ang isang babaeng sakay ng tricycle matapos silang banggain ng isang humaharurot na SUV sa Bulacan. Pero bago pa ang insidente, may nauna nang nabangga ang SUV na tinakasan ng driver.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, nahuli-cam sa dash cam ng motoristang si Aleli Lopez, ang pagbangga ng SUV sa isang tricycle sa matapos salpukin ng isang SUV ang sinasakyan nitong tricycle sa Quirino Highway sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa lakas ng pagbangga, humiwalay ang motorsiklo sa sidecar at tumilapon ang driver at ang babaeng sakay nito. Bumaliktad naman ang SUV at nakasagi pa ng isang kotse.
Sugatan ang tricycle driver na si Genesis Ancheta, samantalang dead on the spot ang asawa niyang si Sharon.
“Hindi na kumikilos ‘yong babae. Maski anong gawin noong asawa, wala na,” ayon sa barangay tanod na si Marcelino Singian.
Ayon naman kay Lopez, “Noong nakita po namin ‘yong sasakyan na gumugulong sa harapan namin, kinabig ko na lang pakanan ‘yong sasakyan. Naghintay na lang ako na may mababangga na lang sa amin pero thank God na wala rin po.”
Naaresto naman ang driver ng SUV na kinilalang si Doren Sapil, 42-anyos, at residente ng Montalban, Rizal.
“Pinagtulungan siyang mahuli eh siguro nakatakas kaya umabot ng Pulinas. Doon naman nahuli dahil ‘yong mobile na ang humabol,” ani Singian.
Ayon sa awtoridad, bago maaksidente sa Quirino Highway, nasangkot sa isa pang disgrasya sa ibang lugar ang suspek.
“Nakasagi siya ng isang nakabisikleta. Siya po ay tumakas,” sabi ni Barangay San Manuel chairman Gilbert Baptista.
“Siya po’y lasing. Humaharurot sa kalsada ng Quirino na ‘to. Pinapara siya ng traffic enforcer at ‘yong sinagasaan niya, inatrasan pa hanggang sa nakarating sa lugar na ’to, may tricycle naman siyang binangga,” dagdag ni San Jose del Monte Bulacan traffic Chief Bobby Esquivel.
Wala pang pahayag ang suspek na mahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News