Nadakip ng mga awtoridad sa Midsayap, Cotabato ang isang lalaki na miyembro ng gun-for-hire group na sangkot umano sa maraming pagpatay.
Kabilang daw sa kanilang itinumba aT pinutulan pa ng ari ay isang driver na pinaghinalaan na may relasyon sa asawa ng kanilang kliyente.
Sa ekslusibong ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Ricky Sison, na most wanted person ng CALABARZON, at may siyam na arrest warrant.
Kabilang umano sa mga pinatay ng grupo ni Sison ay anim na pulis, at mga sibilyan na ipinapatay sa kanila ng kanilang mga kliyente.
“Itong operation na ito has been ongoing for almost a year now with the yearlong surveillance and fortunately for our troops e nando’n lang pala sa North Cotabato nagtatago sa area ng Mindanao,” ayon kay PRO 4-A Regional Director Brigadier General Vic Danao.
Sa isang extrajudicial confession na ginawa ng suspek kasama ang isang abogado, isiniwalat ni Sison kung paano niya binuo ang kaniyang gun-for-fire at robbery group.
Kabilang sa mga pulis na pinatay umano ng grupo ni Sison ay Police Captain Jerry Uy, na nabangga raw ang kanilang illegal gambling activities.
“Naglagay na po kami ng pinaka-spotter sa tapat ng bahay ni Sir Uy… hanggang sa sinundan na po namin. Pagdating ko sa Sto. Domingo po, do’n na po ini-starter ng kasamang kong si Ronnel at do’n na po binanatan,” kuwento ng suspek.
Sila rin umano ang pumatay sa misis ng isang telecom executive na natagpuang patay sa loob ng kotse sa Biñan, Laguna noong 2015.
“Pinukpok po ng kasama ko ng baril sa ulo tapos tinakpan po ng plastic sa mukha. Do’n na namin siya tinapon sa may parte ng San Vicente po,” ani Sison.
Sa halagang P100,000, may dinukot naman daw, pinahirapan at pinatay nila ang isang driver na pinaghinalaan na karelasyon ng kaniyang kliyente.
“No’ng madaanan po namin siya [biktima], binaba po namin siya. Apat kami. Isinakay namin siya sa sasakyan malapit po do’n sa bahay niya. Malapit sa Sta. Rosa, itinigil po namin ang aming sasakyan upang do’n siya putulan ng ari at pahirapan. Pagdating ng gabi, do’n namin siya itinapon,” kuwento ni Sison.
Napag-alaman din ng PNP na kasama ang grupo ni Sison sa panloloob ng bahay ng mga Chinese na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers kung saan umabot umanosa mahigit P1 milyon na pera at gamit ang kanilang nakuha.
Handa raw si Sison na makipagtulungan sa pulisya para pangalanan ang mga malalaking tao na nasa likod ng kanilang grupo.
Kasabay nito, humingi siya ng tawad sa mga kaanak na kanilang mga naging biktima.
“Hindi ko po ginusto ‘to. Napag-utusan lang ako. Sana mapatawad niyo ako. Pinagsisishan ko ang lahat, gusto kong magbagong buhay para sa pamilya ko,” ani Sison.
Nangako naman si Danao na kaagad nilang isasampa ang kaso batay sa mga isiniwalat ni Sison at huhulihin ang mga sinasabing mga sangkot pa sa patayan.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News