Nadakip sa Batangas ang lalaking pumatay sa kaniyang among babae matapos na magtago ng limang taon. Ang suspek, nagawa pang mag-post sa social media na tila naghahamon na... "hanapin niyo ko."

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita na nagkaroon ng tensyon nang makaharap ng mga kaanak ng biktima ang suspek na si Ronald Yupio Jr.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), nagtangkang pagnakawan noon ng suspek ang pinagtatrabahuhang fish pond na nauwi sa pananaksak sa kaniyang among babae sa Candaba, Pampanga.

"Nang makita ng kaniyang asawa na sinasaksak itong babae, sumaklolo 'yung lalaki at siya ang pinagbalingan ng suspek. All in all parang 60 and 70 stab wounds ang na-sustain ng ating victims dito. Namatay ang isa, naka-survive naman ang lalaki," sabi ni NBI-Anti-Fraud and Action Division chief Palmer Mallari.

Nakatakas si Yupio at nagpalipat-lipat ng pinagtaguan, at nagawa pang mag-post sa social media.

Nahuli si Yupio ng NBI-AFAD sa Ibaan, Batangas.

Ayon kay Mallari, apat na araw na binantayan ang lugar kung saan nagtarabaho ang suspek. At nang magpositibo ang mga impormasyon, isinagawa na ang pag-aresto.

Inamin naman ng suspek ang kaniyang ginawang krimen.

"Gusto ko pong umuwi, ayaw akong pauwiin sa probinsiya namin. 'Yung sahod ko binabalik ko pa sa kanila, sa amo ko. Inuunti unti ko 'yung bigay. Sana po'y mapatawad nila ako. Pagbabayaran ko na lang po ang nagawa kong kasalanan," anang suspek.

Mahaharap si Yupio sa kasong murder at frustrated murder.--Jamil Santos/FRJ, GMA News