Isang estudyante sa isang private school sa Cauayan City, Isabela ang nagpositibo sa COVID-19 matapos na dumalo sa isang face-to-face class, ayon kay Mayor Bernard Faustino Dy.

Sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Biyernes, sinabi ni Dy na nakaranas ng mild symptoms ang estudyante, at ngayon ay nasa isolation facility.

Mayroon umanong 20 mag-aaral ang dumalo sa naturang face-to-face class, ayon pa kay Dy.

Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang lokal na pamahalaan at Commission on Higher Education (CHED) tungkol sa insidente.

“Mayroon po kaming currently iniimbestigahan together with CHED dahil apparently nagkaroon ng face-to-face [class] but it was not a normal school time, parang Sunday yata ginawa ‘yon so ito’y parang remedial class,” paliwanag ni Dy.
Paglilinaw ni Dy, hindi pinapayagan ng CHED ang mga private school na magsagawa ng face-to-face classes.

“Hindi in-allow ng CHED that’s why iniimbestigahan po namin dahil umabot rin sa kanila ‘yong report at ‘yon nga po, walang pahintulot mula sa LGU or sa CHED,” anang alkalde.

Dahil sa insidente, maaari umanong tanggalin ang permit to operate ng eskwelahan kapag napatunayan na nagkaroon sila ng kapabayaan.

Nakapailalim sa modified general community quarantine ang Cauayan City, na may 23 kaso lamang ng COVID-19. —FRJ, GMA News