Isang 16-anyos na biker ang nasawi nang matumba siya matapos masagi ng kapwa niya biker at pagkatapos ay nagulungan ng isang dumadaang L-300 van sa Binmaley, Pangasinan.
Sa ulat ni Joan Punsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa Provincial Road ng Barangay Camaley sa Binmaley.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na kasama ng biktima ang kaniyang mga regular na kasabayan na mga biker para sa karaniwan nilang pagpadyak.
Pero sa hindi inaasahang pangyayari ay nasagi umano ng isang biker at likurang bahagi ng bisikleta ng biktima na naging dahilan para matumba ang 16-anyos na siklista.
Ang pagkakatumba ng biktima ay papunta sa bahagi ng kabilang linya na patungong San Carlos City, at natiyempong paparating ang isang L-300 van at nagulangan ang binatilyo na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Kaagad naman umanong sumuko ang driver ng van sa mga awtoridad.
Dahil batid umano ng pamilya ng biktima na aksidente ang nangyari, pumayag silang makipagkasundo na lang sa driver ng van.
Ayon sa pulisya, mayroong nakalaan na linya para sa mga siklista na nasa outerline ng national road.--FRJ, GMA News