Isang 11-anyos na babae ang ginahasa umano ng isang lalaki na napadaan lang sa kanilang barangay sa San Carlos City, Pangasinan. Naaresto naman ang suspek pero itinanggi niya ang paratang.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabi ng biktimang itinago sa pangalang "Jenny," na nagtungo siya sa isang manggahan na ilang metro lang ang layo sa kanilang bahay sa Barangay Cobol para manguha sana ng bunga ng prutas.
Pero isang lalaki umano ang lumapit sa kaniya at dinala siya sa isa pang manggahan at doon na siya pinagsamantalahan.
Naaresto naman kinalaunan ang suspek na 42-anyos na lalaki, na mula sa Barangay Dumpay sa Basista, Pangasinan.
Itinanggi niya ang paratang at sinabing ang kulay lang ng kaniyang short ang naging palatandaan umano ng biktima kaya siya itinuro.
Labis naman ang galit ng ina ng biktima at nais niyang maparusahan at mabitay ang suspek dahil sa ginawa sa kaniyang anak.
Sa datos ng pulisya ng Pangasinan, may naitalang 161 rape cases sa lalawigan mula Marso 16 hanggang Agosto 2020, kahit may umiiral na community quarantine.
Sa naturang bilang, 140 na biktima ay mga menor de edad.
Bagaman mas mababa pa rin naman ang mga kaso kumpara sa 190 na naitala sa katulad na panahon noong nakaraang taon, maaari umanong may mga biktima ng pang-aabuso ang hindi pa nakapagsusumbong sa mga awtoridad dahil sa takot.
Kasabay nito, nagpaalala din ang mga awtoridad sa mga magulang na laging babantayan ang mga anak.--FRJ, GMA News