Nasawi ang 54-anyos na konsehal ng Tinoc, Ifugao nang mahulog sa bangin ang minamaneho niyang pick-up sa Kabayan, Benguet.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si konsehal Mercury Binwihan.

Ayon sa pulisya, si Binwihan ang nagmamaneho ng sasakyan at patungo umano sa burol ng kamag-anak nang mahulog ang sinasakyan niya sa bangin na may lalim na 50 talampakan.

Sugatan naman ang pitong kasama ni Binwihan, at apat umano sa mga ito ay malubha ang tinamong mga sugat.

Samantala, nasawi naman ang isang tricycle driver nang makabanggaan ang isang motorsiklo sa Dingras, Ilocos Norte.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na galing sa barangay road ang tricycle na may pasahero ay papasok sa national road nang mabangga siya ng motorsiklo.

Nagtamo naman ng bale sa paa ang rider ng motorsiklo at masuwerteng nakaligtas naman ang pasahero sa tricycle.--FRJ, GMA News