Humihingi ng tulong sa Department of Agriculture ang mga magsasaka sa isang barangay sa Mangatarem, Pangasinan matapos salakayin ng rice black bug ang kanilang palayan nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, ipinakita ni Camilo Alcantara ng Barangay Quetegan, ang isang malaking bilao na halos mapuno ng peste.

Nakuha umano ni Alcantara ang mga black bag sa kaniyang palayan na nasa harapan ng kaniyang bahay.

"Kapag umatake ito sa mga palayan lugi na kami lahat dito," sabi niya. "Kasi itong black bug na ito madaling dadami ito. Kaya habang maaga pa sana mapuksa na ito."

Ayon sa pamunuan ng barangay, hindi na bago sa kanila ang pag-atake ng black bug. Noong nakaraang taon, umano umano sa 10 hektaryang taniman ang sinira ng mga peste.

Karaniwan daw na lumalabas at umaatake ang mga rice black bug kapag panahon ng tag-ulan. Pero posibleng nakadagdag daw dito ang malinaw na buwan.

"Ang isang nagti-trigger din kasi kapag mga ganito is of course... sabi natin kasi ang rice black bug ay na-a-attract siya sa light. Mayroon din kasing effect yung light because I think malapit na naman po ang full moon," paliwanag ni Marivic Begonia, hepe ng Regional Crop Protection Center ng DA-Region 1.

Kaya panawagan ng mga magsasaka, tulungan sila na mapuksa na kaagad ang mga peste. Nangako naman ang DA na tuloy tuloy ang technical assistance nila at pagtulong sa mga magsasaka.--FRJ, GMA News