KALIBO, Aklan - Nahuli na ng Kalibo Police nitong Lunes ng gabi ang itinuturong gunman sa pamamaril sa isang 22-anyos na dalaga sa Kalibo na ikinamatay nito.
Ayon kay Police Major Belshazzar Villanoche, hepe ng Kalibo Police, positibong kinilala ng mga testigo ang pagkakakilanlan sa suspek.
Sa pag-aresto sa suspek sa hideout nito sa Numancia, Aklan, narekober ng mga pulis ang motorsiklong diumano ay ginamit ng mga lalaking riding in tandem sa pamamaril.
Narekober din sa suspect ang isang .45 na baril.
Noong Biyernes ng gabi, binaril ng riding in tandem ang biktimang si Nadine Faith Medina habang naglalakad papauwi ng bahay. Kasama ng biktima ang kaniyang ina na hindi nasugatan matapos ang insidente.
Naglabas ang pulisya ng digital sketch ng tinuturong gunman.
Itinanggi naman ng suspek na si Rannie Vicente, 35, ang pagkakasangkot niya sa krimen at sinabing nasa Caticlan siya noong gabing mangyari ang insidente. —KG, GMA News