Humuhupa na ang dambuhalang bula na nilikha ng itinapong kemikal sa isang sapa sa Tuy, Batangas. Nalantad din ang pinsalang idinulot nito sa mga nakitang patay na mga isda at pagong.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, inihayag ng mga residente sa barangay ang pangamba nila sa kanilang kalusugan dahil sa mabahong amoy na nanggagaling sa sapa.

“’Pag mahangin, medyo nakaamoy na kakaiba. Natatakot ho kasi makakaapekto sa kalusugan ng mga bata,” sabi ni Lita Barrias.

“Natatakot kami na baka mas lalo pong tumaas, dumami ang bula baka nga po maapektuhan aming kalusugan gawa noong kemikal,” pahayag naman ni Jamaica Barrias.

Ayon sa naarestong nagtapon ng kemikal sa ilog na si Romano Cabrera, inakala niyang sangkap lang ng sabon ang kaniyang itinapon.

Unang pagkakataon lang daw niya itong ginawa.

“‘Di namin sinasadya talaga ang pangyayari. Sa mga residente, sana mapatawad nila ako,” pakiusap niya.

Sa dokumentong nakita sa suspek, lumitaw na may mga hazardous chemical waste silang kinukuha.

Napag-alaman sa pulisya na dati na ring ipinasara ang kanilang kompanya.

“Pinasara na po ‘yong kanilang business pero sila ho ay nag-operate pa rin po without business permit, both from the at barangay at tsaka ng munisipyo,” ayon kay Police Major Von Gualberto, hepe ng Tuy Police.

Hindi rin umano ito ang unang pagkakataon na nagtapon ang kompanya ng kemikal sa ilog.

Inaasahan naman na lalabas na sa susunod na linggo ang pagsusuri sa kung anong uri ng kemikal ang itinapon sa sapa.

Tiniyak naman ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda, na pananagutin nila ang nasa likod ng pagtatapon ng kemikal dahil sa pinsalang idinulot sa kalikasan.

Nauna nang sinabi ng DENR na sasampahan ng paglabag sa Philippine Clean Water Act at Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act si Cabrera.

Magsasampa rin ng hiwalay na kaso ang lokal na pamahalaan laban kay Cabrera.—FRJ, GMA News