Malugod na ibinahagi ng Diyosesis ng Balanga sa pangunguna ni Bishop Ruperto Santos ang biyayang kaloob ng Panginoon sa Pilipinas partikular sa Bataan sa gitna ng pandemyang dulot ng coronavirus.

Ayon sa obispo ilang indibidwal sa diyosesis ang ginawaran ng Pro Ecclesiae et Pro Pontifice (For the Church and Pope) award, ang pinakamataas na pagkilala ng simbahang Katolika na ibinibigay ng Santo Papa para sa mga layko.

Kinilala ang mga papal awardee na sina Digna Calina, Maria Basilia Garcia, Sonia Rufin, at Leticia Vizcayno; habang si Victor Quizon naman ay tatanggap ng papal Knight of Saint Sylvester.

Paliwanag ni Bishop Santos, ito ay magsisilbing huwaran upang ipagpatuloy ang kanilang mabubuting halimbawa ng paglilingkod sa simbahan na katuwang ni Hesus sa misyong ipalaganap ang mabuting balita.

"It is inspiration for them to continue their lives of services and sacrifices to the Diocese as the Church is very grateful their exemplary Christian living," pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.

Sinabi ng Obispo na ito ay patunay ng kanilang tauspusong paglilingkod sa kapwa, pamumuhay ayon sa turo ng simbahang katolika at pagsasabuhay sa bokasyon ng pag-aasawa na nagtataguyod ng kani-kanilang pamilya.

"They have shown dedication and devotion to their Catholic Faith and obligations; being true to their vocations as faithful wives and husband and as responsible parents and law abiding lay people," dagdag ng obispo.

Binigyang-diin ni Bishop Santos na dapat papurihan ang Diyos sa biyayang kaloob na tinatanggap ng ilang layko lalo na ngayong humaharap sa matinding pagsubok ang sanlibutan dahil sa COVID-19.

Nagpasalamat din ito sa Kanyang Kabanalan Francisco sa pagkilala ng mga layko mula sa kanyang diyosesis sapagkat makatutulong ito na mas mapalago pa ang pananampalatayang katoliko sa pamamagitan ng inspirasyong naibibigay ng naturang pagkilala.

Giit ni Bishop Santos, ito ay magsisilbing huwaran sa iba pang mananampalataya na mamuhay sa Kristiyanong pamamaraan na nakasusunod sa mga utos ng Panginoon.

"As we recognize how they firmly and with fidelity live our Catholic Faith, this also serve as encouragement for others to persevere in their Christian living in spite of trials of life and temptations to go against the teachings of the Church," saad pa ni Bishop Santos.

Matatandaang nauna nang ginawaran ng papal award ang tanyag na aktres na si Ai-ai delas Alas sa ambag nito sa simbahang katolika at ang kilalang singer song writer composer na si Maestro Ryan Cayabyab.

Ang paggawad ng pagkilala sa mga layko ay unang itinatag ni Pope Leo XIII noong ika-17 ng Hulyo 1888 bilang paggunita sa kanyang ik -50 taon bilang pari.

Iginawad ng noo'y Santo Papa ang papal award sa mga indibidwal na tumulong upang maging matagumpay ang paggunita sa ikalimang dekadang paglilingkod sa simbahan at ng Vatican Exposition.

Ginawang permanent distinction ang papal award noong Oktubre 1898. —LBG, GMA News