Laking gulat ng namamahala sa isang quarantine facility sa Guagua, Pampanga nang madiskubre nilang nawawala ang 10 matres o higaan na tinutuluyan ng mga PUMs o persons under monitoring sa COVID-19.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing umapela kamakailan si Guagua Mayor Dante Torres sa pamamagitan ng social media para ibalik ng mga PUM na natapos na ang quarantine period ang mga nawawalang matres.

“‘Yong mga ginagamit niyo pong kutson, hindi po ‘yon kasali sa mga dinadala,” sabi ni Torres.

Nadiskubre raw na nawawala ang mga matres nang lilinisan na ang pasilidad.

“Noong pinalilinis ko na ‘yon para sa next batch naman, kasi marami kaming batch na ini-isolate namin, nawawala ‘yong sampu [na matres],” anang alkalde.

“Siguro akala nila souvenir item. Hindi ho souvenir item ang mga ‘yon. Kailangan ng gobyerno, ng munisipyo ‘yon,” dagdag niya.

Hindi naman nabigo sa kaniyang pakiusap si Torres dahil ibinalik naman daw ang mga nawalang matres at iniwan na lang sa guard house.

Iniutos naman daw ng alkalde na i-disinfect ang mga matres para matiyak na ligtas itong gamitin.—FRJ, GMA News