Nanindigan ang ina ni Meyah Amatorio na walang kinalaman ang kaniyang anak sa brutal na pagkamatay ng nobya nitong si Jang Lucero. Lalong lumalim ang kaso matapos dukutin kaninang tanghali ng mga armadong lalaki si Amatorio sa Laguna.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng isang saksi na dalawang lalaki ang nagtungo sa compound nina Amatorio sa Bay, Laguna, at nagpakilalang may dala silang order ng korte para kay Adrian, na pamangkin ni Amatorio.

Napasilip umano si Amatorio at kinalaunan ay tatlong lalaki pa ang dumating at kinuha pareho sina Adrian at Amatorio.

Wala umanong nagawa ang mga tao sa compound para pigilin at tanungin ang mga armadong lalaki dahil tinutukan sila ng baril.

Nagtamo rin ng sugat at pasa ang ilang kaanak na itinulak umano ng mga suspek.

Sa pagtakas ng mga suspek, nakita ang tatlong sasakyan na ginamit ng mga suspek sa pagtakas.

"Di na namin nasundan kasi lahat tinututukan nila," sabi ng isang testigo.

Si Amatorio ang nobya ng babaeng driver na si Jang Lucero, na natagpuang ang bangkay sa Calamba noong nakaraang buwan na tadtad ng sasaksak.

Ang ilang kaanak ni Lucero, humiling sa National Bureau of Investigation na imbestigahan din si Amatorio sa pagkamatay ng biktima.

Sa nakaraang panayam, nanindigan si Amatorio na wala siyang kinalaman sa nangyari kay Lucero.

Maging ang ina ni Amatorio na si Dolores, umapela at sinabing walang kasalanan ang kaniyang anak.

"Kung kukunin nyo at sasaktan nyo ang anak ko lalo lang kayong nagkamali dahil wala sa kamay n'yo ang hustisya," sabi ni Dolores.

"Parang awa n'yo na po wala pong kasalanan kahit sino sa amin. Bakit ganito, tulungan nyo po kami." dagdag niya.

Naging suspek din sa pagkamatay ni Lucero at inaresto ang dating kasintahan na si Amatorio na si Annshiela Belarmino, pero pinakawalan siya ng piskalya dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Sa naunang ulat, sinabi ng pulisya na iimbestigahan nila ang nangyaring pagkuha ng mga armadong lalaki kay Amatorio at aalamin kung may kaugnayan ito sa nangyaring pagpatay kay Lucero.--FRJ, GMA News