Arestado dahil umano sa panggagantso ang isang babae sa Itogon, Benguet, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nahuli sa entrapment operation ang suspek na si Anabel de Guzman, na regular daw na nanghihingi ng pera sa kaniyang biktima para hindi arestuhin sa kasong illegal recruitment.

Nagsimula raw ang panghihingi ng pera noon pang Nobyembre at umabot na sa P5 milyon ang nahihingi ng biktima sa suspek.

Napag-alaman na wala naman pala talagang kaso ang biktima.

Itinanggi ng suspek ang paratang sa kaniya. Aniya, sa isang abugado niya ibinibigay ang perang nakuha pero hindi niya ito tinukoy.

Nahaharap si De Guzman sa kasong swindling at estafa. —KBK, GMA News