Dalawang katao ang patay at dalawa ang sugatan matapos na araruhin ng isang AUV ang isang bangketa sa may bahagi ng Qurino Highway sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang driver, lasing umano at nawalan ng kontrol sa sasakyan.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente dakong 8:00 p.m. nitong Lunes.

Makikita sa isang video na nagulat na lamang ang mga tao nang dumiretso ang sasakyan sa bangketa at binangga ang apat na tindero.

Dead on the spot ang 29-anyos na si Juvylyn Vasquez na nagtitinda ng saging sa lugar, na sinubukan pang i-revive ng San Jose Del Monte rescue.

Nadala pa sa ospital ang live in partner ni Vasquez na si Jonaver Adaza na kasama niya sa tindahan nang masalpok sila ng SUV.

Nabali umano ang mga binti at kanang braso ng biktima at binawian din ng buhay nitong madaling araw.

Sugatan naman ang dalawa pang nagtitinda sa lugar na sina Jericho Ibog at Arnel Castillo.

Sinabi ng mga kaanak nina Juvylyn at Janver na laking gulat nila nang mangyari ang insidente, at maliliit pa raw ang dalawang anak ng mga biktima.

"Patay na daw 'yung kapatid niya, 'yung ate niya, hindi ko naman po akalain... Mabait maalaga sa mga anak siyempre," sabi ni Vanessa Layosa, hipag ni Juvylyn.

Kinilala ang suspek na si Rene Endaya, na hawak na ng San Jose del Monte Police.

Depensa nng suspek, nawalan siya ng kontrol at hindi sinasadyang banggain ang mga biktima.

"Natakot ako, umuusok ang makina, galit na galit sa akin. Hindi ko na sir alam," saad ni Endaya, driver ng AUV.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakainom si Endaya.

"Nakainom po 'yung driver, 'yun po 'yung totoo doon. Bumili sila ng ulam na litsong manok. Ngayon, paalis na sila nang biglang hindi niya makontrol 'yung sasakyan niyang isang Innova," sabi ni Police Staff Sergeant Wenedredo Dalagan, Duty Investigator ng San Jose del Monte Police.

"Humihingi ako sa kanila [ng tawad] kasi nangyari, hindi ko naman kagustuhan. Ngayon ang akin lang, pag-usapan namin. Kung ano man 'yun. Lahat naman ng bagay nadadaan sa usapan hindi naman ako tatakbo kasi hindi ko naman kagustuhan 'yon pero ako pananagutan ko 'yan. Nangyari eh, hindi ko naman kagustuhan 'yan," anang suspek na sumailalim na rin sa drug test.

Nahaharap si Endaya sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries and damage to properties dahil sa mga napinsalang establisyimento sa lugar.--Jamil Santos/FRJ, GMA News