Patay sa tama ng mga bala sa katawan ang isang lalaking taga-Quezon na nagtutulak umano ng droga sa kalapit na lalawigan ng Camarines Sur nang manlaban sa mga awtoridad na nagsagawa ng buy-bust operation.
Sa ulat ng Del Gallego Municipal Police Station sa CamSur, kinilala ang nasawi na si Argem Targa, residente ng katabing bayan na Tagkawayan sa Quezon.
Idineklara siyang dead on arrival sa Tagkawayan District Hospital dahil sa mga tinamo niyang tama ng bala sa katawan.
Ayon sa pulisya, nagtungo si Targa sa isang barangay sa Del Gallego upang magdala umano ng shabu.
Isang pulis ang nagpanggap ng buyer at nang mangyari na ang bentahan ay nagpakilala na ang awtoridad.
Pero tumakbo raw si Targa at nagpaputok ng baril kaya hinabol siya hanggang sa magkaroon na ng putukan na ikinasawi ng target.
Nakuha umano sa bag ni Targa ang marked money at ilang sachet ng hinihinalang shabu. May nakuha rin umanong hinihinalang droga sa utility box ng motorsiklo ni Targa.
Ayon sa ama ni Targa , matagal na raw niyang pinagsabihan ang anak na tumigil na sa masamang gawain subalit hindi raw ito nakinig.
Sinabi naman ng hepe ng Del Gallego Municipal Police Station na si Police Captain Eumorpho Batlangao, matagal na nilang sinusubaybayan si Targa.
Paiigtingin din umano ng pulisya ang pagbabantay sa mga pumapasok sa kanilang bayan upang hindi na makapasok ang mga nagbebenta ng iligal na droga mula sa kalapit na lalawigan.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News