KALIBO, Aklan - Nahawaan ng sakit na COVID-19 ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard na nagbabantay sa seguridad ng mga dumarating na locally stranded individuals o LSI.
Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon ng Provincial Health Office, ang pasyente ay isang 25-anyos na miyembro ng PCG at taga-Aklan din.
Trabaho raw nito ang magbantay sa seguridad ng mga dumarating na LSI sa Caticlan Jetty Port na papuntang Iloilo.
Nauna na siyang kinuhanan ng swab test matapos magbiyahe kamakailan papuntang Maynila sakay ng barko ng PCG dahil nakatanggap ito ng memo na ipinare-report ito sa Central Office sa Manila.
Nang lumabas ang resulta, positibo siya sa COVID-19.
Ayon kay Cuachon, kasalukuyang asymptomatic ang pasyente at nagpapagaling sa isang quarantine facility sa lalawigan ng Tarlac. —KG, GMA News