Naniniwala ang mga kaanak ng 15-anyos na si Fabel Pineda na maaaring buhay pa siya ngayon kung pinagbigyan ang kahilingan nila na bigyan sila ng proteksyon dahil napansin nilang nanganganib na ang buhay ng biktima nang magsampa ng reklamong acts of lasciviousness at rape sa dalawang pulis ng Cabugao, Ilocos Sur.
Sa ulat ng “Stand for Truth” nitong Huwebes, sinabing nais ng mga kaanak ni Pineda na maparusahan din ang babaeng pulis na nakatalaga sa women’s desk ng Cabugao Municipal Police Station, at tumanggap ng reklamo ng nasawing biktima at ang 18-anyos niyang pinsan na ginahasa.
Una rito, sinita umano ng dalawang pulis na sina Police Staff Sergeants Marawi Torda at Randy Ramos ng San Juan MPS, si Fabel at kaniyang pinsan noong June 27 dahil sa paglabag sa curfew nang dumalo sa party.
Kinuha umano ng dalawang pulis ang dalawang biktima at ihahatid sa bahay. Pero dinala umano sa tabi ng dagat ang dalawang babae kung saan ginahasa ang 18-anyos na babae, at minolestiya naman si Pineda na nagawang makatakas.
“Diniretso sila doon sa tabing-dagat… Kung sakali raw po na magsumbong sila sa mga magulang nila, alam na raw po kung anong mangyayari,” ayon sa isang kamag-anak ng Pineda.
Kinabukasan, June 28, nagtungo umano si Pineda kasama ang kaanak sa Cabugao MPS para isumbong ang ginawa nina Torda at Ramos.
Pero sa halip na matapos sa isang araw ang paghahain ng reklamo, sinabi ng kaanak ni Pineda na pinabalik-balik daw sila at inabot ng limang araw bago naihain ang kanilang reklamo.
“Hindi rin nagtagal, mga bandang alas diyes ‘yon, nakarating kami sa PNP, doon na ako nagreklamo… Ilang beses kami pabalik-balik dahil hindi nga natapos-tapos,” sabi ng kaanak.
Humingi na umano sina Pineda sa women’s desk officer Police Staff Sergeant Merly Joy Pascua, para sa seguridad pero hindi umano sila pinagbigyan.
“Noong second day ng araw ng pagba-blotter, doon ako nagsabi na parang may nagmamanman sa amin pero wala siyang ginawa na suporta sa amin sa sinabi kong ‘yon,” ayon sa kaanak ng biktima.
“Ang sabi niya sa akin, ‘Hindi naman puwede na kayo lang ang binabantayan. Alangan naman na babantayan kayo namin. Kayo na lang ‘yong babantayan namin.’ ‘Yon talaga ang sabi niya,” patuloy niya.
Binaril at napatay si Pineda sa ikalimang araw ng pagbalik nila para sa inihahaing reklamo.
“Siya ‘yong dahilan kung bakit nabaril ang pamangkin ko. Kung hindi niya sana dinelay-delay, kung natapos sana ng isang araw pagka-blotter, hindi siguro nangyari ‘yon,” dagdag pa ng kaanak.
Pauwi na ang biktima sakay ng motorisklo kasama ang tiyuhin nang pagbabaril sila ng dalawang lalaki. Itinuro ng mga nakaligtas na kaanak ang dalawang pulis na siyang nasa likod ng krimen.
Inalis na sa puwesto ang dalawang pulis at sinampahan ng kasong murder.
Ayon naman sa abugao PNP, inalis na sa kaniyang puwesto si Pascua at inilipat sa Ilocos Sur Provincial Police Office.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ni Pascua.
Saad ng tiyuhin ni Pineda na si Mauricio Sinco Jr., "Sinasabi nila to serve and to protect eh dapat sana alam na nila kung anong gagawin nila, kung paano poprotektahan sila. Alam na nila na ganoon ang nangyari, bakit pinabayaan pa nila? Bakit hindi binigyan ng proteksyon ang mga batang ‘yon?.” --FRJ, GMA News