Hindi matanggap ng mga kaanak ang sinapit ng 15-anyos na babae sa Ilocos Sur, na matapos umanong molestiyahin ay pinatay ng mga dalawang pulis na sinampahan nila ng kaniyang pinsan ng reklamo.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA news “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng Philippine National Police na sinampahan na ng kasong murder sa Provincial Prosecutor of Ilocos Sur sina Police Staff Sergeants Randy Ramos at Marawi Torda, na mula sa San Juan Municipal Police Station, dahil sa pagkamatay ng biktimang si Fabel Pineda.
Ayon sa Cabugao Municipal Police Station, lumitaw sa imbestigasyon na dumalo sa isang party si Pineda at pinsan niyang 18-anyos nang kunin umano ng mga suspek na pulis dahil sa paglabag umano sa curfew.
Ihahatid umano ng mga pulis sa bahay ang dalawang babae pero minolestiya umano si Pineda, habang ginahasa naman ang kaniyang pinsan.
Dahil dito, nagsampa ng kasong pangmomolestiya at rape ang dalawa laban sa mga pulis.
Pero nitong Huwebes habang sakay ng motorsiklo kasama ang tiyuhin at kapatid matapos magsampa ng reklamo, pinagbabaril sila ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na ikinasawi ni Pineda.
Ang dalawang pulis ang itinuturo ng mga kaanak ni Pineda na nasa likod ng pamamaril.
“Ni-rape nila, binaboy nila. Ginawa nila ang gusto nila pero pinatay pa nila,” hinanakit ng tiyahin ng biktima.
Nasa kostudiya na ng Ilocos Sur Police Provincial Office sa bayan ng Bantay ang dalawang pulis at hinihintay na lang ang utos ng korte.
Una rito, sinabi ni PNP chief Police General Archie Francisco Gamboa na inatasan niya ang Internal Affairs Service na sibakin kaagad sa serbisyo ang dalawang pulis.
Inatasan din ni Gamboa ang Police Regional Office 1 na bigyan ng seguridad ang pinsan ni Pineda na ginahasa at ang pamilya nito.
Nais umano ni Gamboa na mapabilis ang paglilitis sa korte laban sa dalawang pulis at pati na ang pag-usad ng mga kasong administratibo.--FRJ, GMA News