Dahil wala na raw mapagkakakitaan at sa hirap ng buhay sa Maynila dulot ng pandemya ay nagdesisyon ang mag-live-in partner na Rommel Balbona at Gina Cabalse na umuwi ng lang ng Sorsogon City.
Pedicab driver sa Caloocan si Rommel na may deprensya sa paglalakad at paningin. Hinuhuli na rin daw ang mga pedicab sa Caloocan dahil bawal na pumasada.
Wala raw silang pamasahe upang makauwi ng kanilang probinsya kung kaya’t ginamit nalang niya ang kanyang pedicab. Kwento pa ni Rommel, sinubukan raw nilang kumuha ng travel pass sa barangay subalit hindi sila binigyan dahil pedicab lang ang kanilang gagamitin.
Lunes ng umaga, June 29 ng umalis ang dalawa sa Caloocan. Hindi naman raw sila sinisita ng mga pulis na kanilang nadadaanan. Pagdating raw nila sa Muntinlupa ay may ilang tao na nag abot ng tulong. May ilang netizen rin ang nahabag kung kaya’t kinunan sila ng larawan at inilagay sa social media.
Miyerkules ng umaga nakarating sina Rommel at Gina sa Sto. Tomas, Batangas kung saan ay may isang grupo ng motorcycle rider ang nakapansin sa kanila. Matapos silang bigyan ng pagkain ay hinila ng motorsiklo ang pedicab.
Agad na nag-viral sa social media ang sitwasyon ng dalawa kung kaya’t mula raw sa Sto. Tomas, Batangas hanggang San Pablo City, Laguna ay may mga tao sa gilid ng highway ang nagaabot ng tulong.
Pagdating sa San Pablo, Laguna ay isang fraternity (Tau Gamma Phi) ang nag-volunteer na ihatid nalang sila sa Sorsogon.
Nag-ambagan rin ng pagkain at pera ang grupo upang ipabaon kina Rommel at Gina.
Ang pedicab, isinakay narin sa jeepney-type van.
Habang bumibyahe ay may mga motorcycle rider na umalalay sa sasakyan hanggang makarating sa Bicol. Madaling-araw na nitong Huwebes ng makarating sa Sorsogon sina Rommel at Gina.
Ayon kay Rommel, magsisimula raw sila ng bagong-buhay sa Sorsogon. Plano raw niyang magtinda nalang ng gulay at isda gamit ang kanyang pedicab. Lubos ang pasasalamat nina Rommel at Gina sa mga nagkaloob ng tulong. —LBG, GMA News
[Note: Batay sa Google Map, mula Caloocan City sa Metro Manila hanggang sa SorsogonCity ay aabot ng 548 km ]