Arestado ang isang lalaki matapos siyang magpanggap bilang si Elon Musk at tumangay ng $250,000 o P14.7 million mula sa isang babaeng senior citizen sa Bradenton, USA. Ang suspek, nagpanggap din bilang si Johnny Depp at singer-songwriter na si Lionel Richie.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na hindi na pinagbihis pa ng pulisya ang lalaki na inaresto sa kaniya mismong bahay.

Asunto ng suspek na kinilalang si Jeffrey Moynihan ang grand theft.

Base sa imbestigasyon, taong 2023 nang kaibiganin ni Moynihan ang biktima sa Facebook, hanggang sa naging regular ang kanilang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa.

Dahil sa kaniyang pagpapanggap bilang si Musk, na siyang pinakamayamang tao sa buong mundo, nakumbinsi ng suspek ang senior citizen na mag-invest sa negosyo.

"Financial records indicate the victim transferred $250,000 to bank accounts owned by Moynihan and his business, Jeff's Painting and Pressure Washing, LLC," sabi ng Bradenton Police Department.

Hanggang sa maalarma ang asawa ng biktima matapos mag-ulat sa kaniya ang bangko hinggil sa malalaking transaksiyon sa kanilang account.

Ang asawa ng biktima ang nag-ulat sa pulisya.

Nang isagawa ang interogasyon, iginiit ni Moynihan na isa rin siyang biktima at ginamit lamang para sa scam.

Gayunman, nakakuha ang pulisya ng ebidensiya na nagpapanggap din si Moynihan bilang ang Hollywood actor na si Johnny Depp at singer-songwriter na si Lionel Richie.

Hindi pa malinaw kung nagagamit din ito ng suspek sa scam.

Maaari ring may iba pang kasabwat ang suspek. —VBL, GMA Integrated News