Isang vintage bomb na posibleng mula pa noong World War 2 ang natagpuan sa Manila International Airport (MIA) Road malapit sa NAIA Terminal 2 sa Pasay City.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagsasagawa ng road widening sa kalsada nang mamataan ang bomba.

Dahil dito, pansamantalang itinigil ang operasyon.

Sinabi ng Philippine National Police - Explosive Ordnance Disposal Unit na peligroso ang naturang bomba at posible pang sumabog.

Dadalhin ang vintage bomb sa kanilang tanggapan upang pag-aralan at i-dispose.

Likha umano ang bomba sa Amerika, na posibleng nandoon mula pa noong panahon ng giyera. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News