Arestado sa Calamba, Laguna ang isang lalaking gumagamit daw ng pangalan at mukha ng ibang tao para makapanloko sa social media, ayon sa eksklusibong ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes.
Inaresto si Nilo Dagondon Jr. sa isinagawang entrapment operation ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police. Anang mga operatiba, dalawang taon nang nambibiktima ang suspek.
Modus daw ng suspek ang magbenta ng cellphone gamit ang pangalan at mukha ng ibang tao sa social media.
Pinag-aaralan daw ng husto ni Dagondon ang istilo ng pagpo-post at pakikipag-usap sa social media ng taong aagawan niya ng pangalan at mukha bago mambiktima.
"Pagkahulog ng downpayment ay bigla na lang siyang magdi-disengage sa chat," sabi ni Police Colonel Julius Suriben, hepe ng PNP-ACG sa Region 4A.
Bukod dito, gumagamit din umano ng pekeng social media account ang suspek para manghingi ng donasyon para umano sa bunso niyang kapatid na maysakit.
Hindi nagbigay ng pahayag si Dagondon na nahaharap sa kasong estafa at computer-related identity theft. --KBK, GMA News