Patay ang isang drug suspect nang mauwi sa engkuwentro ang isinagawang anti-illegal drugs operation sa Bacoor, Cavite. Ang kalakalan daw ng ilegal na droga sa lugar, nagbalik nang magbalik-trabaho na rin ang mga tao nang isailalim sa General Community Quarantine ang lalawigan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang suspek na si alyas "Wardo," na target ng Bacoor Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Niog 1.
Sinilbihan ng search warrant ang suspek pero nanlaban umano ito kaya napatay ng mga awtoridad.
Isang pistola ang narekober sa bahay ng suspek.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang nasa 10 katao na karamihan ay mga menor de edad.
Itinuturo sila bilang mga runner sa nabanggit na lugar, pero itinanggi ng mga inaresto na sangkot sila sa ilegal na droga.
Sinabi ng Bacoor PNP na sumabay sa pagbabalik-trabaho at negosyo ang kalakalan ng ilegal na droga sa lugar nang isailalim sa General Community Quarantine ang Cavite, kabilang ang Bacoor.
Patuloy na inaalam ng Cavite PNP ang pinanggalingan ng droga.--Jamil Santos/FRJ, GMA News