Naaresto sa Bulacan ang isang truck driver na nakasagasa at nakapatay sa pitong katao sa Laguna matapos magtago ng halos dalawang taon. Habang nagtatago, nakapagtrabaho pa uli bilang driver ang suspek at muling nakasagasa.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nadakip si Anthony Lugtu Bernardo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Guiguinto, Bulacan nang ma-lockdown ang suspek sa kaniyang pinagtataguan dahil sa community quarantine.
Sinabi ng CIDG na habang nagtatago si Bernado, namasukan pa siya bilang driver pero hindi rin nagtagal nang makasagasa na naman.
"Nakapagtrabaho siya sa isang pagawaan sa Bulacan. Furthermore noong pagdi-dig up pa namin ng records meron pa siyang isang pending na warrant na kung saan ay na-involve pa rin siya after the incident sa another reckless imprudence resulting to homicide sa Navotas City," sabi ni Police Brigadier General Rhoderick Armamento, Deputy Director for Administration ng PNP-CIDG.
Disyembre 2018 nang maaksidente ang minamanehong cargo truck ni Bernardo na may kargang mga bakal sa Santa Rosa Laguna-Tagaytay Road, at binangga ang kulang sa 20 sasakyan at isang bakery sa tabing kalsada.
Pito ang nasawi kabilang ang dalawang sanggol, at 14 na iba pa ang naospital. Tumakas si Bernando pero nahuli ang kaniyang pahinante.
"Ito pong tao na ito ay tumakas at hindi po tinulungan ang kaniyang nabiktima at ayon pa rin po sa imbestigasyong ginawa, expired po ang kaniyang driver's license kaya po na-issue-han siya ng tatlong warrant of arrest," sabi ni Armamento.
Ipinagbigay-alam na sa pamilya ang development sa kaso ni Bernardo.
"Sa mga naging biktima ng karumal-dumal na insidente na ganoon, nahuli na po natin 'yung driver ng truck. Sa mga hindi pa po nakakapag-coordinate dito, pumunta lang po sila dito," sabi ni Police Lieutenant Colonel Vicente Amante, Chief of Police ng Sta. Rosa PNP.
Sinabi naman ni Bernardo, natakot siya kaya siya nagtago at humingi siya ng tawad sa mga naging biktima niya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News