Apat na drug suspects ang arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya, pero ang isa sa kanila sinabing "planted" ang ebidensiya laban sa kaniya.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, nagkasagutan ang isang pulis at drug suspect na si Juscoro Alvaro Jr. sa gitna ng operasyon sa Iriga City, Camarines Sur.
Ayon sa suspek, bigla na lang pumasok ang mga pulis sa kaniyang bahay nang walang mandatory witnesses at nagtanim ng droga. Sa manicure set nakuha ang hinihinalang droga
Tumangging magbigay ng komento sa GMA News ang pulis. Anila, sa korte na lang sila maghaharap ng suspek.
Ayon naman sa suspek, quarrying at hindi pagtutulak ng droga ang kaniyang ikinabubuhay. Ayon naman sa pulisya, dati nang sumuko dahil sa droga ang suspek at kabilang sa drugs watchlist ng lugar.
Samantala, sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao, timbog ang suspek na si Jordan Rakim na isa umanong big-time drug dealer. Nakuha sa kaniya ang P3.4 milyon halaga ng hinihinalang shabu na inilagay sa tea bags na may Chinese characters.
Sa Calapan City, Oriental Mindoro naman, hindi na nakapalag sina Ferdinand Canto Santiago at Arthur Madrigal Magtibay nang hulihin sa isang buy-bust operation.
Nakuha mula sa kanila ang mahigit 10 sachets ng hinihinalang shabu, cellphone, buy-bust money at sasakyan. --KBK, GMA News