Matapos ang halos isang buwan na zero new cases, nakapagtala ng walong panibagong kaso ng COVID-19 ang Marawi City, na pawang nanggaling umano sa Metro Manila.
Ayon kay Mayor Majul Gandamra, ang walo ay posibleng locally stranded individuals (LSI) o repatriated overseas Filipinos (ROF) na dumating sa Marawi City noong June 3 at June 5.
Ang walo--na kinabibilangan ng limang babae at tatlong lalaki--ay sinundo sa airport at dinalo sa community quarantine facility.
READ: OFW na nagnegatibo sa COVID-19 test sa Maynila, nagpositibo sa virus nang umuwi sa Aklan
Sinabi ni Gandamra, na mahigit isang buwan nang walang panibagong kaso ng COVID-19 cases sa kanilang lungsod kaya nanawagan siya sa pamahalaan na tiyaking nasusuring mabuti ang mga pinapauwi sa mga lalawigan.
"Ang aking apela po sa national government, bago po natin pauwiin itong mga kababayan natin dito sa mga provinces and cities or municipalities, ay dapat po doon sa point of origin ay nag- undergo ng testing, rapid testing or even itong PCR testing," pakiusap ng alkalde.
Pawang asymptomatic o walang sintomas ng sakit ang walo, na kasalukuyang nasa quarantine facility sa Barangay Sagonsongan.
Nagsasagawa na rin rin ng contact tracing ang mga awtoridad sa mga nakasabay nila sa eroplano.
Sinabi naman ni Dr. Ali Dalidig, city health officer, na 15 ang COVID-19 cases sa kanilang lungsod, at hindi niya masasabing "second wave" of transmissions sa lungsod ang walong bagong kaso.
"Hindi ko masabi na nasa second wave because all the positive [are] coming from outside Marawi, wala tayong local transmission," paliwanag ni Daligdig .
Mayroon ding isang nanggaling Metro Manila na nagpositibo sa virus pagdating sa Ormoc City, at mayroon ding isa sa Lezo, Aklan.--FRJ, GMA News