MARAWI CITY - Umapela si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. sa gobyerno nitong Miyerkoles na itigil muna ang Balik Probinsya program matapos tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kanyang probinsiya.
"Gusto sana naming sabihan ang National Government na kung puwede, medyo stop muna natin 'yong Balik Probinsya," aniya.
Sabi ni Adiong, dapat ay dahan-dahanin ang pagpapauwi ng mga locally stranded individuals (LSI) at repatriated overseas Filipino workers (ROFs).
"At 'yong health protocols na dati, 'yon ang ibalik na. Bago nila pauwiin 'yong mga kababayan natin, ma-test muna. Hindi lang 'yong rapid [test]. Dapat e swab [test] para sigurado tayo, sigurado 'yong mga uuwian nila na hindi mahahawa. Kasi 'pag nahawa 'yan e alam natin na isa lang ang nag-positive diyan, alam natin 'pag ilan ang maapekto," ani Adiong.
Hindi naman daw sa hindi nila tatanggapin ang kanilang mga kababayan dahil sa Lanao del Sur naman galing ang mga ito. Kinakailangan lang daw mag-ingat dahil sa problema na kakaharapin ng buong probinsiya o maging ng mga kalapit na lugar.
19 na kaso
Umakyat sa 19 ang bilang ng mga COVID-19 cases sa probinsiya matapos daw magsidatingan ang mga LSIs at ROFs.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Alinader Minalang, siyam ang bagong nadagdag sa bilang ng mga kaso. Walo dito ay sa Marawi City at isa sa bayan ng Marantao.
Aniya, sa loob ng 46 na araw mula ng magdeklara ng COVID-19 pandemic, siyam lang ang nag-positibo sa buong Lanao del Sur. Anim dito ay naka-recover at tatlo ang namatay.
Subalit pagdating ng mga LSI at ROFs ay biglang dumoble ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.
"Meron tayong nine na na-confirm na nag-positive. Na-confirm through our GeneExpert PCR test. So out of the nine na mga LSI, meron tayong walo na nasa Marawi City at iyong isa nasa municipality ng Lanao del Sur, particularly sa Marantao," ani Minalang.
Pawang mga asymptomatic naman ang mga ito kaya mahigpit silang binabantayan ngayon sa quarantine facility sa Sagonsongan, Marawi City.
Kung makitaan sila ng sintomas ay agad silang dadalhin sa Amai Pakpak Medical Center.
Ayon kay Minalang, nagkaproblema na nga sila dito sa mga dumaan sa kanila. Papaano na lang daw 'yong iba umanong tumakas sa kanila? Dahil may mga commercial flights na na puwedeng masakyan ay mas madali raw makakauwi ang mga tao gamit ang pekeng health certificate na makakalusot sa mga checkpoints.
Sa kabuuang 19 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa probinsiya, anim dito ang naka-recover na. Tatlo naman ang mga namatay.
Samantala, may hinihintay silang 37 na swab results na ikinabahala din nila. Kalimitan daw sa probability ng swab test ay nasa 30 hanggang 40 porsiyento ang nagpo-positive dito. Inaasahan nilang madadagdagan ulit ang mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan kapag nailabas na ang mga resulta.
Sa meeting nina Adiong at ng Inter-Agency Task Force nitong Miyerkoles, inirekomenda nila sa military at pulisya na mas lalo pang higpitan ang pagbabantay upang hindi makalusot ang mga hindi dadaan sa health protocol ng Department of Health.
Nanawagan din sila sa lahat ng mga local officials na mahigpit na bantayan ang kanilang mga munisipyo kung may uuwi sa kanilang mga bahay na hindi dumaan sa rapid test para sa COVID-19. —KG, GMA News