Muling tumaas ang bilang ng mga nag-positibo sa COVID-19 sa probinsiya ng Quezon.

Simula noong Lunes hanggang Martes ay nakapagtala ng 19 na kumpirmadong kaso.

Ang 14 na kaso ay mula sa Lucena City, apat sa bayan ng Catanauan, at isa sa bayan ng San Antonio.

Kabilang sa mga dumagdag sa bilang ay ang dalawang bata na edad walo at pitong taong gulang mula sa bayan ng Catanauan. Nahawa sila sa kanilang lola.

Nahawa rin sa lola ang isang tricycle driver at barangay health worker. Lahat sila ay nasa isang health facility sa lalawigan.

Umabot sa 127 nitong Miyerkoles, Hunyo 10, ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong probinsiya.

Ang mga gumaling ay 77 na, habang siyam naman ang pumanaw.

Ang bilang ng mga aktibong kaso ay 41.

Nagsasagawa na ng contact tracing ang local government unit ng Catanauan at City Health Office ng Lucena upang matukoy ang mga nakasalamuha ng mga bagong nag-positibo sa COVID-19.

 

Isinailalim na sa total lockdown ang dalawang barangay sa Catanauan, Quezon dahil sa mga kumpirmadong kaso ng COVID-19. Umabot na sa 127 ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa buong probinsiya ng Quezon.  Peewee Bacuno

 

Isinailalim na rin sa total lockdown ang dalawang barangay sa Catanauan.

Nanatiling COVID-19-free pa rin ang mga bayan ng Dolores, San Andres, San Narciso, San Francisco, Mulanay, General Luna, Macalelon, Padre Burgos, Agdangan, Plaridel, Alabat, Perez, Quezon, Tagkawayan, General Nakar, Mauban, Polillo, Panukulan, Burdeos, Jomalig at Patnanungan. —KG, GMA News