Inihayag ng pamahalaang panglalawigan ng Basilan na isang lalaking dialysis patient ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Ayon kay Governor Jim Hataman Salliman, residente ng Tipo-Tipo ang lalaki at naka-confine sa Zamboanga City General Hospital.
Idinagdag ng gobernador na "stable" ang kalagayan ng pasyente.
Unang nakitang positibo sa virus ang lalaki nang isailalim sa rapid kits nitong Martes. Kaagad siyang kinunan ng swab sample para sa confirmatory test, at nakumpirma na taglay niya ang COVID-19 nitong Miyerkules.
Sinabi ni Salliman, na nagsasagawa na ng ibayong contact-tracing para sa mga nakasalamuha ng pasyente.
"Pinakwan ko agad 'yung contact tracing kung saan talaga at kung kailan siya last nagpunta ng Zamboanga, saan siya pumunta," saad ni Salliman sa panayam sa radyo.
Ayon sa lokal na pamahalaan, regular na nagtutungo sa Zamboanga City ang pasyente para magpa-dialysis.
Dalawang beses umano sa isang linggo ginagawa ang dialysis sa pasyente at nanatili siya sa Zamboanga ng dalawang linggo.
Isinailalim sa rapid test ang lalaki matapos siyang sumailalim sa medical consultation sa Lamitan City Health Office bilang requirement sa pagpasok niya sa Zamboanga City.
Dahil sa pagkakaroon na ng COVID-19 case, pinayuhan ng lokal na pamahalaan ng Tipo-tipo ang mga residente na manatili na muna sa kanilang mga bahay.
"We are urging the public to stay at home, refrain from going outside, observe strict physical distancing and refrain from believing and spreading fake news," ayon sa LGU.--FRJ, GMA News