Naiyak sa labis na sama ng loob ang isang 78-anyos na lolo sa Rizal dahil sa patong-patong problemang pinapasan. Bukod kasi sa na-stroke ang kaniyang asawa, inaalagaan din niya ang anak na may kapansanan at wala pa raw silang natatanggap na ayuda mula sa pamahalaan.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kasama si lolo Jose Lagunbay, sa maraming nagbakasali at umaasang makakakuha ng social amelioration program sa isang barangay sa Rodriguez, Rizal.
"Mahirap para sa amin. Hirap na hirap na ako. 'Yung asawa ko hindi makatayo, hindi makalakad. Kaya gusto ko nang maghuramentado. Wala man lang dumating sa amin (na ayuda)," hinanakit ni Lagunbay.
Ang isa naman niyang anak, wala rin daw maibigay na tulong sa kanila dahil nawalan din ng trabaho mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.
"Gusto ko lang malaman kung mayroon kaming makukuha," naiiyak pa niyang sabi.
Tulad ng ibang lugar, dinagsa ng maraming tao ang pamamahagi ng SAP aid sa Rodriguez at sa pagnanais ng iba na mauna ay naisasakripisyo na ang social distancing.--FRJ, GMA News