Isang frontliner sa Cainta, Rizal ang binawian ng buhay dahil sa matinding init ng panahon, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Biyernes.
Kinilala ang nasawi na si Arvic Macarilay, 38, isang audio technician at DJ na boluntaryong tumulong sa pagbabantay sa mga checkpoint sa Cainta sa kabila ng ipinaiiral na enhanced community quarantine.
Miyembro si Arvic ng Barangay Community Action Group sa Cainta na katuwang ng otoridad sa paghuli sa ECQ violators.
Ayon sa kaniyang kaanak, nahilo si Arvic habang naka-duty nitong May 6 sa kasagsagan ng init ng araw. Wala siyang malay nang dalhin sa bahay kaya isinugod siya sa ospital.
Bagama't nagkamalay sa ospital, nakaranas naman si Arvic ng seizures. Masakit din daw ang kaniyang dibdib.
Sabi ng doktor, may pumutok na ugat sa ulo si Arvic, na nasawi rin kalaunan.
Ginawaran ng parangal si Arvic dahil sa kaniyang kabayanihan sa gitna ng COVID-19 pandemic. --KBK, GMA News