Inaresto ng mga pulis ang isang kapitan ng barangay matapos siyang tumawid pa sa kabilang bayan para makabili lang alak sa Alaminos, Laguna. Pero ang suspek, sinabing pineapple juice lang ang kaniyang binili.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na naaktuhan nila  Lucio Trecesito, kapitan ng San Roque sa San Pablo, na bitbit ang alak na binili sa isang minimart.

Pero paliwanag ni kapitan, "Ang nabili ko po ay pineapple juice, gawa ng mainit, bumili ako ng juice."

Ngunit sabi ni Police Captain Jollymar Seloterio, Chief of Police, Alaminos, lumabas ng tindahan si Trecesito na bitbit ang isang eco bag na pinaglalagyan ng alak at doon na siya naaresto.

"Baka po panlasa niya dito (sa alak) pineapple juice ito, pero alak po ito," sabi pa ni Seloterio.

Aminado naman ang kawani ng tindahan sa pagbebenta ng alak kahit may liqour ban pero kasalanan daw ng kapitan kung bumili ito.

"Sa amin talaga 'yan, aaminin ko, ayaw kong magsinungaling sa inyo. Ayun ang kasalanan niya na bumili siya ng alak, alam niyang kapitan siya eh. Kargo niya 'yon," sabi nito.

Samantala, dinakip din ang isang pulis na lasing umano at nagpaputok ng baril sa gitna ng curfew.

Ayon sa pulisya, lasing din ang dalawang kasama ng pulis nang abutan ng mga rumespondeng awtoridad.

Parehong kinasuhan ang kapitan at pulis ng paglabag sa liquor ban at Bayanihan As One Act.

"Nakakalungkot dahil 'yung mga dapat kapanalig natin sa pagpapatupad ng batas ay sila pang nangunguna sa paglabag ng mga patakaran natin sa enhanced community quarantine. Barangay official ka man o kabaro namin na nagpapatupad ng batas wala tayong sisinuhin at tiyak na mapaparusahan," sabi ni Police Colonel Serafin Petalio II. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News