Binawi raw ng isang barangay kagawad sa Hagonoy, Bulacan ang kalahati ng halagang ibinigay sa mga benepisaryo ng Social Amelioration Program, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Aabot daw sa P3,500 mula sa P6,500 na SAP ang binawi.

Ayon s SAP beneficiaries, hindi malinaw kung saan gagamitin ang ayudang binawi.

Pero sabi ni Barangay Kagawad Danny Flores, may internal agreement sila sa mga nabigyan ng ayuda na ipamamahagi ang binawing pera sa mga hindi naabutan.

Bagama't sinabi niya sa mga residente na utos ito ng alkalde ng Hagonoy, nilinaw ni Flores na walang kinalaman ang alkalde sa pagbawi ng ayuda.

Ayon naman kay Mayor Raulito Manlapaz, labas na sila sa usapan ng barangay na hatiin ang pera.

Handa naman daw si Flores na harapin ang anumang kaso na isasampa laban sa kaniya. --KBK, GMA News